Sisimulan ng Black Sheep at ABS-CBN Films ang 2019 sa kanilang kauna-unahang release ng 2019: ang coming-of-age romantic comedy na Sakaling Maging Tayo na pinagbibidahan nina McCoy de Leon at Elisse Joson. Ito ang pangalawang full-length film ni direktor JP Habac matapos ang kanyang 2017 debut na I'm Drunk, I Love You. Ito rin ang big screen reunion nina McCoy at Elisse, kilala bilang McLisse mula sa kanilang mga fans. Matagal nang inaabangan ng mga McLisse fans mula sa buong mundo ang unang starring role ng kanilang mga idolo sa iba't-ibang parte ng mundo kaya naman humakot ng mahigit 1 million views ang trailer ng Sakaling Maging Tayo matapos itong ilabas noong Kapaskuhan. Sa pelikula, dalawang college freshmen ang aksidenteng pinagtagpo sa gitna ng kanilang huling araw ng pasukan sa Baguio City. Gustong bumalik ni Laya (Elisse Joson) sa Maynila para takasan ang sakit na nararamdaman niya matapos ang hiwalayan niya sa kanyang boyfriend. Si Pol (McCoy de Leon) naman ay handang harapin ang isang gabing puno ng musika at kasiyahan sa isang music festival sa Baguio. Pero nang masaksihan ni Pol ang breakdown ni Laya, niyaya niyang samahan si Laya sa kanyang huling gabi sa Baguio para gawin itong isang gabi na di nila malilimutan. Chance na rin ito para kay Pol na makasama ang babaeng matagal na niyang patagong minamahal.
Para makadagdag ng excitement. nag-truth or dare ang dalawa: may kakain ng exotic food, may magpapatattoo at aamin ng kani-kanilang sikreto na matagal nang naitatago. Dahil sa mga hamon nila sa isa't-isa, sabay nilang haharapin ang mga isyung matagal na nilang kinatatakutan. At baka ito na rin ang simula ng aminan ng kanilang pagtitinginan sa isa't-isa. Shinoot ang buong pelikula sa Baguio matapos ma-inspire si Habac ng mga di malilimutang pelikula tulad ng Kung Mangarap Ka't Magising at Labs Kita... Okey Ka Lang? Humugot din ng inspirasyon ang batang direktor sa mga kantang magsisilbing gabay sa kwento ng buong gabi nina Pol at Laya. Kasama sa soundtrack ng pelikula ang mga paboritong musikero ng henerasyong ito tulad nina Mora dela Torre, KZ Tandingan, Johnoy Danao at Ang Bandang Shirley.
Ngayong 2019, hinahamon kayong umibig ng McLisse habang tinatahak nila ang pagtaas at pagbaba (at pag-zig-zag) ng kanilang landas patungo sa pagmamahalan. Maglakas-loob ka na at samahan sina Pol at Laya sa isang gabi ng mga hamon at alamin kung ito ang magpapalapit sa kanila o siyang tutuldok sa kanilang relasyon. Showing ang Sakaling Maging Tayo in cinemas nationwide simula Jan. 19. Kabilang din sa pelikula sina Bembol Roco, Paulo Angeles, Markus Patterson, Milo Elmido Jr., at Chai Fonacier.
0 Comments